natagpuan ko ang isang tula ni Ruth Mabanglo (kopya sa ibaba) habang nagbabasa ng isang blog entry tungkol kay Susan Fernandez. Nang mabasa ko ang tula, lubusan kong niyakap, minahal at lalong pinahalagahan ang aking pagiging babae-pagiging tao. Naisip ko, hindi dapat ibaba ang sarili para maabot ng iba, hindi dapat pababawin ang pag-iisip upang maintindihan. May isang taong sisikaping abutin ang aking gunita, pipiliting sisirin ang aking kaluluwa at igagalang ang aking kalayaan. Siya iyong karapat-dapat.
Kung Ibig Mo Akong Makilala
Ruth Elynia Mabanglo
Kung ibig mo akong makilala
Lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat,
Ang titig kong dagat—
Yumayapos nang mahigpit sa bawat saglit
Ng kahapon ko’t bukas
Kung ibig mo akong makilala
Sunduin mo ako sa himlayang dilim
At sa madlang pagsukol ng inunang hilahil
Ibangon ako at saka palayain.
Isang pag-ibig na lipos ang lingap
Tahanang malaya sa pangamba at sumbat
May suhay ng tuwa’t kaluwalhatia’y
Walang takda—
Ialay mong lahat ito sa akin
Kung mahal mo ako’t ibig kilalanin
Kung ibig mo akong kilalanin,
Sisirin mo ako hanggang buto,
Liparin mo ako hanggang utak,
Umilanlang ka hanggang kaluluwa,
Hubad ako roon mula ulo hanggang paa.